About Me
- T'reb Malate
- Tacloban City, Eastern Visayas, Philippines
- lost in translation amid life's noisy and crowded alleys.
Sunday, April 12, 2009
'sang pares ng tsinelas
Noong kabataan ko, nauso ang tsinelas na gawa sa alpombra. Ito yung tsinelas na parang mabalahibo at parang velvet yung material na ginamit sa paggawa kaya masarap at malambot sa paa. Ewan ko kung sadyang ganun ang design ng tsinelas na alpombra pero di ko ma-ekspleka sa sarili ko kung bakit ganun ang design nya. Ito yung tipong ok lang magkapalit ang kaliwa at kanan na pares kasi nga pareho lang ang design at hitsura. Hindi tulad ng karaniwang sapin sa paa – bakya, sapatos, sandalyas at iba pang uri ng tsinelas kung saan alam mo kung alin ang para sa kaliwang paa at kanang paa. Ang sa alpombra, hindi. Pwede mong pagpalit-palitin ng gamit at hindi mo mararamdaman ang pagkakaiba.
At dahil nakahiligan kong suotin ang mga tsinelas na hindi sakin at mas malaki pa sa sukat ng paa ko, minsan nakakapagsuot ako ng alpombrang tsinelas ng mga pinsan ko. Gusto ko kasi yung feeling na mabigat ang sapin sa paa. Parang musika sa tenga ko ang mayabang na ingay ng mga yabag sa sahig gawa ng alpombra sa tuwing ako’y maglalakad.
Sa panahon naman ng aking pagsibol sa kabataan, nauso ang makabagong uri ng tsinelas na tinawag na jelly flip flops. Ito yung may mga matitingkad na kulay ng pastel at may banayad na lambot sa paa. Dito na nauso ang paggamit ng tsinelas sa pagsisimba at pamamasyal sa mall.
Dumating ang impluwensyang Latino sa Pilipinas at napasok ang havaianas flip-flops. Unang sinuot ito sa harap ng telebisyon ni Bamboo habang tumutugtog sa isang concert. Si Heart Evangelista naman, dating Vj ng MYX, ay panatiko na rin ng havainas noong panahong yun.
Gahol sa oras mula sa isang taping, napilitan syang mag-tape ng live sa MYX habang nakasuot ng lace spaghetti strap dress na diumano’y pantulog nya at ng havainas. Dahil wala ng panahon para mag-ayos ng at magpalit, tuoly lang ang live shoot. Dito sumikat ang paggamit ng tsinelas bilang pamalit sa sapatos bilang bagong dagdag sa fashion style ng kabataang Pinoy. Naging malakas ang impluwensya ng Brazilian product na ito na parehong mga estudyante at yuppies ang gumagamit sa mga lakaran at sa araw-araw na gawain , liban na lang sa mga pormal na okasyon.
Sino ba naman ang hindi mahuhumaling sa tsinelas. Ako man ay may apat na pares ng tsinelas na pambahay. Kung praktikalidad lang ang pag-uusapan, panalo na ito. Ito ay madaling isuot at presko sa paa at madaling ibagay sa maraming klase ng damit.
Pero iba ang turing ng namayapang lolo ko sa tsinelas. Nang mauso daw ang tsinelas ng kapanahunan nya ay laking biyaya daw ito kumpara sa hirap at bigat ng bakyang noo’y nasa kasikatan pa. Ngunit para sa kanya, ang tsinelas raw ay para sa bahay lamang. At hindi ito nararapat isuot kung lalabas ng bahay dahil ang mga lakaran sa labas ng bahay ay tungkulin na ng sapatos, o kahit ng mga sandalyas man lang. Espesyal daw kasi ang dulot sa mga pagal na paa ng tsinelas.
Dagdag pa ng lolo ko, ang pag-ibig daw ay parang ganun. Parang isang malambot na pares ng tsinelas sa bahay. Oo nga at ito ay pambahay lang ngunit ito ang pinakaunang hinahanap pag-uwi mo sa bahay upang magbigay ng ibang uri ng ginhawa sa paa.
Ang tsinelas tulad din ng taong tunay mong minamahal ay naghihintay lang sa bahay. Ngunit gaano man kapayak o kasalimuot ang mga pangyayari sa buong araw mo, gaano man kagaganda, kagagwapo o kahali-halina ng mga taong nakilala mo, iisa at iisa lang ang pilit mong uuwian at hahanap-hanapin pag-uwi mo.
Ang pag-ibig habang tumatagal, lalong lumalalim at pinagtitibay ng panahon. Tulad ng ‘sang pares ng tsinelas, habang ginagamit, lalong lumalambot, lalong nagiging maginhawa sa paa.
Ang pagmamahal sa isang tao, sa pagdaan ng panahon ay nagiging isang pamilyar na emosyon na kayang matukoy mula sa iba pang pakiramdam ng tao – galit, pagkamuhi, lungkot, saya’t tuwa, ligaya o maging ng karaniwang libog lang. Tulad ng ‘sang pares ng tsinelas, sa pagdaan ng mga araw at gabi, linggo’t buwan, o maging ng taon ay nagiging isang pamilyar na bahagi na ito ng paa. May kakaibang hagod sa balat at alam ng nagmamay-ari ang pakiramdam ng kanyang tsinelas. Alam nya ang malakutson o magaspang na mga bahagi ng tsinelas nya, ipikit man ang kanyang mga mata. Maging sa dilim.
Mahalo man ang kanyang pares ng tsinelas sa isang kumpol ng mga tsinelas, o mahiwalay ang isang bahagi, alam nya kung saan ito hahanapin ng walang pag-aalala. Tulad ng tunay at dalisay na pag-ibig, babalik at babalik ito sa tunay na kasuyong puso.
Iba-iba man ang turing na bawat tao sa kung anumang uri ng tsinelas ang susuotin nya, tanging sya lang ang may alam kung alin ang magbibigay sa kanya ng kakaibang ginhawa sa paa mula sa buong araw na pagkakabilanggo sa sapatos.
At pag nagkataon, kapag nahanap mo na ang pares ng tsinelas na para sa’yo, wala ng dahilan upang maglakad ng nakayapak sa malamig na sahig. Wala ng rason upang manghiram sa iba. Wala na.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment