Monday, March 9, 2009

ikaw




Dumating ka sa buhay ko ng hindi mo sinasadya. Maging ako. At alam ko yun. Wala sa plano ang pagtatagpo natin noon sa ilalim ng sungit ng panahon at manaka nakang ambon. Nakakatuwa yun. At dahil matagal akong dumating sapul sa ating pinag-usapan na oras, pumasok ka ng simbahan upang makinig sa misa. Sana hindi mo ipinanalangin ang pagdating ko. Sana hindi mo ipinanalangin ang araw na yun.

Sinabi kong malapit na’kong dumating kung kaya’t lumabas ka ng simbahan at hindi mo na tinapos ang misa, upang muling maghintay pa dahil ang totoo’y hindi pa ko umaalis ng bahay nun. Hati ang isip ko nun kung magpapakita nga ako sayo.

Matapos ang palitan ng text at tawaran kung tuloy ba ang pagkikita o hindi, nauwi ang usapan sa pagkain ng fishball at malutong na tuksuhan sa bagong bili mong wrist watch sa Everthing 100. Ang cute naman, sabi ko. Sana tama ang hinala kong sinadya mong dumaan na lang sa shop na yun at sinadyang bumili ng relo, kahit wala sa plano, dahil nagbabakasakali kang dumating pa din ako. Sana naghinala ka nun na dadating pa din ako at hindi ako nang-gugudtaym lang.


Masaya ang hapon na yun. Sabi mo pa nga perstaym mo tumambay sa park kasi hindi mo trip. Salamat naman at una yun. At ako ang kasama mo. Pilit kong isinaulo ang mukha mo kasabay ng pagdilim. Nakakaaliw ang mga mata mo. Nakakabaliw ang mga mensahe sa iyong balintataw. Malalim. Malungkot.


Bago ako nakatulog nang gabing yun nagtext ka pa ng “ happy ako knina. Enjoy ako. Astig.” Napangiti lang ako. At sabay yakap sa unan na naghintay sa akin buong araw.


Muling naulit ang mga pagtatagpo. Lunch out. Tambay sa park (ulit!) at laro sa swing. Hanap sa ukay-ukay at bumili ng mga kahit anung kapwa natin gusto. Nood ng sine. Ikot ng downtown at bunuin lang ang maghapon ng walang kapararakang mga bagay-bagay.

Nakakatuwa dahil parang matagal na tayong magkakilala. Parang matalik na magkaibigan na muling nagkita paglipas ng may kung ilang mahabang taon.

Patlang.

At nagkwento ka ng mga karanasan mo at sa mga bagay na mahalaga sa’yo – pamilya, trabaho, kaibigan pati mga bagay na natutunan mo nung mga panahong akala mo kaya mo na ang lahat. Lahat yun.


O kaya’y lahat lamang ng mga bagay-bagay na kaya mong ibahagi at ikwento sa’kin sa ngayon.

Madami yun. Samu’t-sari. May kakatwa. May nakakamangha. May ilan na hindi ko akalaing pinagdaanan mo.

Patlang.


Sini-sino ko ang bawat ngiti mo. Ang mga sulyap mo. O ang mga miminsan mong maiiksi ngunit malulutong na mga tawa. Pinipilit kong namnamin ang mga pagkakataong yun kasi alam ko sa likod nun malungkot ka. At ang mga tawa mo’y baka hindi na maulit pang muli.

Alam kong simbilis ng pagtatagpo natin ay simbilis din ng pag-alis mo.

Kahit ayaw ko.

Alam ko namang hindi kita mapipigilan. Dahil may natural na yabang ka sa katawan. At armas mo yan sa biyahe mo at sa walang katapusan mong paghahanap ng mga sagot sa tanong mo.

Alam kong ang mga bagahe mong dala-dala ay simbigat ng mga karanasan mong pilit mong kinakalimutan. Ngunit hindi mo kayang bitiwan. At iwanan sa nakaraan.

Matapang ka, alam ko. Matalino at maabilidad. Para kang damong ligaw na kahit saang sulok man mapadpad – sa batuhan, sa parang, sa makipot na daan, sa may malapit sa tubigan, sa siwang ng punong tood o sa mga bahagi ng kalupaan na aakalain ng iba’y wala nang pupwede pang mabuhay pa – andun ka. Kasi nga magaling ka. At singlakas ng isip mo ang loob mo.


Patlang.


Pero sana habang nandito ka pa sa tabi ko – nakakaulayaw at nakakalaro. Bayaan mong hilutin ko ang mga bali mo sa pakpak. Hayaan mong paghilumin ko ang mga sugat mo puso at gamutin ang mga pasa sa iyong pagkatao.

Bayaan mong umiyak ako kasama mo at sabay tayong magalit sa kanila.

Umiyak tayo buong araw. Kahit hanggang gabi. Kahit hanggang muling magparaya ang buwan sa muling pagsibol ng bagong araw.

Hanggang wala na tayong iluha pa.

Hanggang ang lahat ay wala nang saysay.


Patlang.


Andito lang ako.

Hihintayin kita.

Hihintayin ko ang pag- uwi mo. Kahit saan ka pa man dalhin ng mga pangarap mo.






The Firefly

I thought I caught a fragile firely
When it beckoned to me with its light last night.
But no, it was the elusive dream that fled when I closed my eyes.

Until it stops burning its little torch,
I shall keep imagining it in my hands
That the world ain’t dark
After all it has done to our innocence.


-cte