Thursday, April 9, 2009

alin?


Likas sa tao ang pagpili. Kasama na dito ang pamimili ng kung anumang higit na mas magaan o mas magbibigay saya o mapagkukunan ng lakas na mga bagay, lunan o tao, personal man na kilala o hindi.



Minsan sa buhay mo, hindi mo man gustuhin o kahit sabihin mo pa man na dahil matalino ka kung kaya’t hindi mo na alintana ang mga kaakibat na suliranin dala ng pamimili, natatapat ka sa pintuan ng mga pagkakataon at panahon na gaano man kahirap sa loob-loob mo o kasakit sa iyong natitirang ego, kailangan talagang mamili ka dahil yun at yun lang ang pinaka-una at pinaka epektibong paraan sa paglaya.



Minsan kahit simpleng tanong lang at siyempre simpleng sagot lang ang kailangan ay doon pa tayo nabobobo.



Alin ang mas masakit : ang magmahal ng taong alam mong may mahal na iba o ang umasang balang-araw, suntok man sa buwan tingnan, ay mamahalin ka rin nya? Di man sa paraang inaasahan at pinakaaasam mo, at least sa paraang alam at kaya lang ng inirog mo.



Alin ang mas matimbang: ang sabihing mahalaga ang isang tao sa’yo dahil yun ang tama o ang sabihing mahal mo ang isang tao dahil yun ang totoo?



Alin ang mas madali: ang mahalin ang taong mahal mo ngunit alam mong hindi ka mahal o ang taong hindi mo kayang mahalin ngunit mahal na mahal ka?



Alin ang mas may kabuluhan: ang kasalukuyang relasyon na umabot na ng halos limang taong puno ng away-bati at ng mga gabing ayaw kang patulugin dahil naninimbang ka kung mahal ka ba talaga nya tulad ng mga malamlam nyang mga pangako o ang masilakbong pag-ibig na tumubo lang sa talulot ng bulaklak ng bagong natagpuang pagkakaibigan?



Alin?